CARD Bank, Tuloy-tuloy ang Serbisyo sa New Normal
Dahil sa new normal, maraming organisasyon ang sumusubok ng mga bagong pamamaraan sa paghahatid ng kani-kanilang serbisyo. Ang CARD Bank, ang pinakamalalaking microfinance-oriented rural bank sa bansa, ay nagsagawa ng mid-year business review and planning noong Hulyo 8-10, 2020 na may temang “Moving forward to the new normal fueled by the same mission of poverty eradication”. Layunin nitong ihanda ang institusyon sa malaking pagbabagong kakaharapin nito sa pagbibigay ng serbisyo sa mahigit 3.3 milyong kliyente sa buong bansa.
Ang nasabing pagpupulong ay isinagawa online at dinaluhan ng executive at management committee members ng bangko mula sa iba’t ibang panig ng bansa upang mas mapabuti ang mga serbisyo nito patungo sa digitization at mapataas ang bilang ng kliyente nito sa 3.5 milyon pagsapit ng Disyembre 2020. Inaasahan din na makakapagpautang ang CARD Bank sa mga datihan at bagong kliyente nito ng PhP13.9 Bilyon hanggang December 2020.
“Umaasa kami na makapagbibigay tayo ng makabuluhang serbisyo sa pamilyang Pilipino sa kabila ng mga bagong hamong dumarating dulot ng pandemya. Sa pamamagitan ng ating ginagawang serbisyong digital, magpapatuloy ang ating serbisyo sa ating mga kliyente,” pagsasaad ni CARD Bank President and CEO Marivic M. Austria. Aniya, maliban sa konek2CARD nito na siyang mobile banking app ng bangko, nakipag-ugnayan din ang CARD Bank sa Paymaya, Panalo Express, at EC Pay upang makapaghatid ng alternatibong pamamaraan ng pagbabayad ng loan, savings, at insurance premium ang mga kliyente nito.
Liwanag ng pag-asa
Sa mga nagdaang taon, nagsilbi ang mga microfinance institutions sa pamamagitan ng pagbibigay ng akses sa pampinansyal na serbisyo at mga programang ikauunlad ng lipunan sa mga maralitang Pilipino. Lalo pang napatunayan ng MFIs na isa itong liwanag ng pag-asa para sa mga mahihirap na pamilyang Pilipino sa panahon ng pandemya. Alinsunod sa Bayanihan We Heal as One Act, nagpatupad ang mga MFIs tulad ng CARD Bank ng moratorium upang mailaan ng mga kliyente nito ang kanilang pera sa pangunahing pangangailangan. Bukod dito, ang CARD Bank ay nakapagpautang na sa mahigit 221,000 kliyente na nagkakahalaga ng PHP1.5 bilyon simula noong Mayo hanggang Hulyo 3 upang matulungan ang kanilang mga negosyo na makabangon muli mula sa matinding epekto dulot ng COVID-19.
Samantala, ang CARD MRI Microinsurance group naman ay hindi pumalya sa misyon nitong magbigay ng seguro sa mga kliyente nito. Habang ang grupo ay nagdeklara rin ng moratorium sa lingguhang pagbabayad ng insurance premium, sinigurado nito na nakaseguro pa rin ang mga kliyente nito sa panahon ng lockdown. Mabilis ding naiproseso ang claims payment kahit pa may mga limitasyong dulot ng pandemya. Ang grupo ay nakapagbayad ng 5 hanggang 6 milyong pisong claims payment araw-araw sa panahon ng quarantine.
Sa ngayon, 99% ng buong tanggapan ng CARD Bank ay bukas na upang maghatid ng serbisyo habang sumusunod sa mga protokol sa ilalim ng bagong normal. Nasa 60% naman ng mga kawani ng institusyon ay pumapasok na sa mga opisina, samantalang ang 40% ay inihahanda ng institusyon sa “branchless banking”. Ibinahagi rin ni Austria na sa pagtatapos ng taon, umaasa ang CARD Bank na aabot sa 800,000 ang aktibong gumagamit ng konek2CARD. Habang tumataas ang bilang ng digital clients nito, ihahanda naman ng CARD Bank ang mga kawani nito sa digital banking.
“Nauunawaan namin na talagang may mga hamon sa pagbabagong ito, ngunit kinokonsidera din namin itong makatutulong ang aming bagong ginagawa sa aming mga kliyente. Ang aming mga kawani ay handa ng tumulong at sumuporta sa mga kliyente para sa pagbabagong ito,” pagbabahagi ni Austria.
Pagyakap sa bagong normal
Dahil sa kinakaharap natin ngayon, binago ng CARD Bank ang plano at estratehiya nito upang makapagbigay pa rin ng epektibong serbisyo sa komunidad sa kabila ng mga limitasyong dulot ng paglaganap ng virus. Tinanggap at niyakap na ng CARD Bank ang bagong normal at handa ng umusad patungo sa misyon nitong sugpuin ang kahirapan sa bansa.
“Sa paglalakbay natin patungong digital, kaakibat nito ang pagkawala ng pisikal na pakikipag-usap sa aming mga kliyente sa mga center. Ngunit ang tatak ng CARD MRI na makapagbigay ng kapaki-pakinabang at naaangkop na mga serbisyo ay laging mananatili sa organisasyon habang patuloy naming isinasaayos ang mga plano at estratehiya para makasabay sa pagbabago,” dagdag pa ni Austria.
“Tinitingnan natin ang krisis na ating kinakaharap hindi bilang isang problema, kundi isang oportunidad para maabot pa ang mas nakararaming Pilipino sa bansa. Mananatiling nakatuon ang ating mga mata sa ating misyon – ang isang Pilipinas na malaya sa kahirapan. Yayakapin natin ang mga pagbabagong ito na dala ng kasalukuyang hamon sa ating kalusugan at ekonomiya habang magpapatuloy tayong bubuo ng mga kwento ng tagumpay na naging inspirasyon nating lahat nitong nakaraang tatlong dekada,” pagbabahagi ng Chairman ng CARD Bank, Dr. Jaime Aristotle B. Alip.